Ang araw ng pagtanggap ng
mahalagang katunayan (DIPLOMA) ng pagtatapos sa pag-aaral ay isa sa
pinakamahalagang bahagi sa kasaysayan ng buhay ng isang tao.
Ang paglilinang at pagtatanim ng
karunungan sa ating isip ng dahilan ng ating pagkakalalang at kasaysayan ng
daigdig buhat ng likhain si Adan at Eba ay siyang nagbibigay sa atin ng gabay
upang tayo ay magsikap mabuhay ayon sa kalooban ng Dakilang Manlilikha.
Ang mga karunungang napasulat sa
mga aklat ang nagbibigay sa atin ng kaalaman na ang tao lamang ang nilikha na
biniyayaan ng Dakilang Manlilikha ng karunungan. Ang karunungan ginamit niya sa
paglikha ng lahat ng bagay. Ang tao lamang, ang may kakayahan na pag-aralan at
malaman ang dahilan at layunin ng Dakilang Manlilikha sa pagkakalalang sa
kanya.
Ang mga hayop, isda at halaman
ay nilikha ring may buhay subalit hindi sila biniyayaan ng karunungan. Hindi
nila alam na ang araw ay sumisikat sa Silangan at lumulubog sa kanluran. Hindi
nila alam kung ano ang kahulugan ng buhay.
Ang katotohanang ito ang dahilan
kung bakit may nakikita lagi tayong magandang hamon ang buhay.
Ang karunungang ito, ang
nagbibigay sa atin ng kaalaman ng kahulugan ng buhay at ng kahalagahan na ang bawat
yugto buhat sa ating pagsilang hanggang sa katapusang hibla ng ating hininga ay
may mga gawain dapat nating isagawa at pananagutang dapat balikatin.
Ang sabi ng isang marunong: “Ang
buhay ay hindi isang patunguhan, ito ay isang paglalakbay. Lahat tayo ay
nakakaranas na tumahak sa mga tuwid na lansangan at dumadaan sa bako-bakong mga
landasin, uma-ahon sa mga kabundukan at lumulusong sa maaliwalas na kapatagan.
Ang lahat ng nangyayari sa atin, ang siyang naglilok ng ating katauhan. At sa
ating pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay ay natutuklasan natin, ang
pinakamabubuti nating katangian.”
Ang pinag-aralan ang nagbibigay
sa atin ng tamang mga daan dapat nating tahakin upang marating natin ng
mapayapa, maligaya at matagumpay ang hangganang pinangarap nating lakbayin.
Ang pinag-aralan, ang
nagpapaunlad ng lahat ng mabubuting mga katangiang ipinagkaloob sa atin ng
Dakilang Maykapal. Ang mabubuting katangian nagpapaunlad sa ating katauhang
siyang sandigan ng pagtatayo at pagpapatibay ng isang maligayang tahanang
nag-aambag ng pagsulong ng KATARUNGAN na sandigan ng KAPAYAPAAN, na sandigan ng
KAUNLARAN sa pamayanan.
Mabuhay at maligayang bati sa
lahat ng nagsipagtapos ng kanilang pinag-aralan sa lahat ng antas at baytang ng
karunungan.
No comments:
Post a Comment