Opinion




Online



 Isang mainit na pagbati!
   Aba, online na ho tayo!  Ilang taon lang ang nakalilipas, wala sa hinagap namin na darating ang panahong ito na magkakaugnay tayo sa pamamagitan ng cyber space. Pati lenggwahe namin, mukhang nababago rin – nadaragdagan ng mga terminong cyber.
 Nakakatuwa naman -- at kami’y nagpapasalamat --  sapagka’t kami’y umabot sa panahong ito ng mga pag-unlad sa larangan ng information technology.
   Totoo, ang IT ay produkto at nagsimula sa mauunlad at makapangyarihang bansa. Bahagi ito ng iskemang globalisasyon ng US at ng iba pang makapangyarihang nasyon sa mundo.
   At syempre, naririto na rin ito sa mahihirap na bansang may kondisyong mala-pyudal at mala-kolonyal, tulad ng Pilipinas, na ang ekonomiya at pulitika ay nasa ilalim ng impluwensya at kontrol ng  mga higanting multi-nationals na nakabase sa mga mapagsamantalang bansa sa daigdig.
   Kung ginagamit man ito ng mga MNCs para sa kanilang sariling kapakanan, nagagamit din naman ito ng mahihirtap na bansa para sa mabilis at maraming impormasyon.
   Malaking papel ng IT sa nagaganap at tinatawag na “Arab Spring.”  Bagamat may iba’t-ibang dahilan at tinutungo ang kilusan ng mga mamamayan sa panig na ‘yon ng daigdig, mukhang nakatulong ang IT sa mabilis na paglaganap at pag-unlad ng mga ideya na naging pwersang- masa na nagpabagsak sa iba’t ibang uri ng pamamahala. 
   Kung saan pupunta ang tinatakbong ito ng teknolohiya sa bagong panahon, hindi pa natin alam.


###



CULTURE OF CORRUPTION

     The survey says that we are all hopefully anticipating that this government is out to correct the mistakes of the past, most especially in eradicating our worst enemy –corruption”.
     Last week, I made mention that the “pork barrel”, which some legislators say is a “necessary evil”, is non other but a plain and simple “BRIBE”.
     The accepted practice has practically destroyed the basic democratic principle of “check and balance” supposedly provided by the three co-equal branches of government: executive, legislative and judiciary. But because of this “necessary evil”, legislators run for office, not to make laws, or to exercise this so-called “check and balance” but to enrich themselves, as bribe-takers (remember the gift-bag containing 500 thousand pesos) and as “commissioners.”
     Do you know that there is a well-known legislator who is called “Mr. 20%” behind his back, because he collects his 20% commission in advance, for every project from his “pork barrel”?
      While it is true that these infrastructure projects are implemented by the DPWH and not by the legislators, these DPWH engineers who implement and award the projects are all beholden to these legislators. Yes, sadly in our “padrino” system, nobody stays in a juicy position if no politician will back them up.
     It is disappointing that the “pork barrel” will continue and therefore, corruption will also continue. How can a leader lead by example when he himself corrupts the corrupt, by bribing them with the “pork barrel”?
     If the highest leader can easily bribe these legislators then we will just be a society of bribers and bribe-takers. The “pork barrel” is not a “necessary evil”, but is the root of all evil. It corrupts our society, from the national level down to the local level.
     The executive (President, Governor & Mayors) dangles this “pork barrel” to the members of the legislative (Senate, Congress & Sanggunian), and lo and behold, all their wish lists in the budget, contract approval, etc… will be granted to them, without any question from this so-called co-equal branch of government.
     So instead of “check and balance” between the executive and legislative, we now have a collusion or a conspiracy of these two branches to defraud the people. The legislator gets his “pork barrel,” therefore, the executive gets his budget. Everybody happy!
     Di ba mga Bokals? I’m sure my former colleagues in the Sangguniang Panlalawigan will agree with me.
     Who among the Bokals studied or even read the 2007-2010 budget or questioned a certain item in the budget during a budget hearing?
     Who among the Bokals even questioned the lump-sum infrastructure budget of the executive? Sad to say, in this set-up, a legislative branch of government, in the national or local level is just a waste of people’s money. Are we really paying these people to do nothing?!
     Unfortunately, the Aquino administration, despite its campaign promise of CHANGE, has no plan to change anything. The “pork barrel,” as the ultimate bribe is back with a vengeance. Everybody is happy na naman, except of course “we the people.”
     As P-noy leads us by his example, then his continuing the tradition of bribing Congress and Senate, will be just be followed by the LGUs.
     This is therefore the result of our “follow the leader” rule: As the P-noy continues to bribe, then so are we.


*****************************************************
Lakbay Aral

     Hindi lingid sa kaalaman ng lahat, sa mga nagdaang taon o termino ng iba-ibang mga namumuno sa lalawigan, bayan at hanggang barangay, pinalawak at pinalayo na ang maaring itawag na training exposures.
     Hindi na ngayon makontento sa mga paanyaya sa mga may kinalamang resource speakers, na masasabing authorities in their fields, na mas malaki ang matitipid. Ito’y dahil ginawa nang aktwal o kaya’y on the spot learning para sa ganun ay ma-justify ang mga kasama nitong participants na bubuo at higit mas mahalaga ang kaakibat na gastos ng gobierno, tulungan man, ibig sabihin sharing sa gastos, o di kaya’y solong gastos ng bawat barangay.
    Sa pagbibigay halaga ng bawat pamunuan, sa kapakanan daw ng mga nanunungkulan para maging karapatdapat sa serbisyo, lalo’t higit bilang opisyales, kinakailangang sumailalaim sa maraming seminar-workshops. Kagaya nito ang tunay na paglalakbay sa ibat-ibang lugar para sa aktwal na pagkakaalam, kasama na dito ang tinatawag na immersion in the community o sa paglaon, kinakailangan din na may interaction upang sa ganun ay magkaroon ng mga sharing of issues at sa kahihinatnan, sa kumparahan, nagiging basehan nila kung ang nasabing tagumpay na proyekto ay magiging akma din kung gagawin sa kanilang kinasasakupan.
    Sa mga kaganapan ng maraming training activities na ganito, mataas ang inaasahan na sila’y matututo at mai-aaplay din sa kanilang mga trabaho, sa kalahatang pagbabago at epektibo sa sistema at serbisyo ang kanilang natutunan.
    Marami na ring nasaksihan o di kaya’y naging kabahagi ng mga Lakbay Aral na ganito, ngunit tahasan kong sasabihin na may ilan o mas akma kayang isiwalat, marami ang mga ganito’y malinaw na pagsasayang lamang ng pera ng taumbayan.
     Maaring kapag nakakuha ka ng plano, na magsasaad kung anu-ano ang pupuntahan at mga topics for training, sasabihin mo, maige na ito dahil good exposures with related discussions may lead to better learning experiences. Detalyado ang presentasyon at kung iyong malalim na bubusisiin, malalalaman mo na ito’y galing lang o proposal ng iisang grupo, marahas ba kung sabihin ko na, LGU mafia, na nakausap nang lahat na maaring magbigay ng approval at kasama na rin ang mga taong hinihinalang kokontra, para sa ganun ay mabigyan ng akmang padulas o sa bagong linya ni P-Noy sa SONA, tongpats.
     Halos lahat ng pamunuan ay gagawa ng paraan para bigyang-diin ang kailangang paglabas ng mga public servants, di lamang ito kanilang break, ang mas mahalaga, kung saan sila magkakapera…Tama?
     Wala akong kontra dito sa Lakbay Aral, dahil ito ang nagpapalawak ng kaalaman nila, kaya nga lang sa paglaon ng panahon, nagiging palabigasan na nila. Natutunanan na nila na gawing isang mahalagang pagsasanay ito upang sa ganun ay masabing ang paglayo, pagbisita sa ibang lugar, at kasama na dito ang mga discussions and group activities, ang magiging talagang kabuuan ng Lakbay Aral.
     Maganda ang layunin ng Lakbay Aral, ngunit sana naman ay gamitin ito sa kahustuhan na kung may gastos man, na pinaglaanan at inaprobahan, sa mga aralin at pupuntahang lugar, umakma sa tunay na layunin nito. Isa pa, sana’y sa paggastos ng pondo ng bayan or barangay, huwag namang pakasagarin na halos maubos na at di na mahustuhan ang gastos sa ibang proyekto. Kaugnay ng isyung Lakbay Aral, bawat bayan ay sinuswete naman kapag ito ay kasama sa mga lugar na pupuntahan. Bakit may swerte?
     Una, ito’y karangalan. Dahil nga minsan, di lamang mga ordinaryong opisyal, kasama pa mga pinuno na di maari ding bigyang-pansin dahil bukod sa kanilang karangalan, sila din ay gustong maka-daupang palad mga local na opisyal. Kasama na rin dito ang walang humpay na mamamaraka ng iba-ibang produktong ipinagmamalaki ng isang lugar, kanilang pasalubong sa mga dadatnan, pamilya, kamag-anak, at mga kaibigan.
     Itong makasaysayan kong bayan, walang kaduda-duda na siyang ngangunguna dito sa lalawigan, isa na sa palagiang destinasyon. Bakit hindi? Dahil nga sa yaman ng kultura, pasimula sa makasaysayang lugar, industriya at mga pagkain. Kaya nga sa nagdaang mga panahon, naging napakalimit ang dating ng ibat-ibang LGUs, para nga sa malawak na kaalaman.
     Kamakailan lamang, naging panauhin ang mga Barangay Treasurers ng San Miguel, Bulacan. Dahil nga dumaan sa buong Lakbay Aral tour package na pinangasiwaan ng isang Tour Operator, halos lahat, ika nga, plantsado na. Malimit ay tatlong araw ang halos ay haba ng kanilang exposures, ngunit napag-alaman na minadali ang pagbisita dito sa amin dahil may naging problema sa isang resort na malapit sa Batulao.
    Di siguro nagkaliwanagan sa transaksyon, nagulat na lang ang Tour Operator na sinisingil siya sa overnight stay at sa isang kain, ng P120,000 para lamang sa 45 katao. Ang pagkamahal dito ah? Duda ko’y di sila nagkaintindihan, kaya naman minabuti nilang layasan agad ang resort. Ito ang malimit na problema. Dapat siguro’y may matibay na kontrata, di lamang sa pag-asang nakausap na, nagkasundo, di lamang ay sa salita. Mabuting nangyari ito.
    At dahil nga ako’y kinausap na asikasuhin ito, ang grupo, ang mga sumusunod ang magagandang nangyari: Courtesy sa aming Mayor MM, bukod sa mga masasayang kwento, katakutakot na kodakan, hiniling nila dahil Mayor daw ay parang artista. Nagbisita sa mga museums nina Apacible at Agoncillo, dagdag pa, kaisa-isang museum ng mga lumang kamera. Nakapagdasal sa mga pilgrimage churches, San Martin at Caysasay. Ito pa ang mga magagandang pangyayari: dahil nga mga bisita, di napigilan na sila ay nagpumilit madala sa mga lugar na makakapamili ng mga pasalubong nila. Nasabi ko na, na mabuting palagiang may bisita dahil sila ang bumibili ng mga paninda. Ito na nga, di inaasahang malaki ang halaga sa benta ng mga panutsa, balisong, at mga itak na pambukid na talaga namang minimithi nila.
    At dahil sa kagustuhan kong maituwid ang sinasabing gatasan lamang itong Lakbay Aral, sa masamang impresyon ng marami, pinilit na mahigitan pa sa kanilang inaasahan. Naging resulta, walang humpay na papuri sa kanilang naging karanasan.
     Gusto kong ibahagi, at bigyang-papuri at pagkilala, ang Punong Bayan ng lumang Taal, San Nicolas. On the spot, biglaan kong pinasok ang opisina ng Kgg. Peping Sandoval, nasa meeting pa nga siya, sinabi ko at ipinakiusap ang hangaring courtesy call request nila. Walang kadangga-dangga, sabi niya’y papanhikin na. Ang akala ko rin, kaunting oras lang para sa kanila, aba’y lumabas na humigit kumulang isang oras na palitan ng mga istorya, tungkol sa bulkan at lawa, mga yaman nito’t mga isda, mga imprakstraktura, nagawt at nakalinya na lahat para sa magandang hangarin para sa turismo, at di nakaligtaan, proyektong pamprobinsya. Salamat sa iyo Mayor Peping, di ka nag-atubiling ibahagi ang maganda mong serbisyo sa bayan na maari nilang tularan.
     At sa katapusan, sa palagiang kahilingan, sa inyong mga LGUs, lagpasan sana ang magiging kaalaman sa bawat karanasan sa ibat-ibang kabihasnan. Huwag sayangin ang tiwala ng mamamayan, na sa bawat lakaran (ano mang lugar), ito’y magdudulot lahat sa mabuting kapakanan.

*******************************************************************************


Drug war sa Mexico
    
     Napabalita kamakailan lamang ang isang malagim na masaker sa Mexico. Ayon sa balita, nagdaraos ng isang birthday party ang isang grupo ng kabataan sa Torreon, Mexico, nang biglang may dumating na mga armadong tao sakay sa walong SUV, at biglang nagpaulan ng bala kasunod ng sigaw na: “Patayin silang lahat.”
     Nang makaalis ang mga namaril, naiwan ang 17 patay na kabataan at dose-dosenang sugatan. Natagpuan ng mga police sa pinangyarihan ng masaker ang mahigit na 200 basyo ng bala na karamihan ay mula sa otomatikong AK-47, ang karaniwang ginagamit na baril ng mga gang sa Mexico.
     Habang sinusulat ito, hindi pa natutukoy ng mga pulis ang mga namaril, ni ang motibo sa pagpatay.
     Pero halos kada araw ay may namamatay bunsod ng drug war sa pagitan ng magkakaribal na gang sa Mexico para makontrol ang rota na dinadaanan ng mga ipinupuslit na ipinagbabawal na droga mula sa South America patungo sa US. Kasama na sa dahilan ng mga patayan ang pakikidigma naman ng mga otoridad upang masugpo ang ismagling ng droga.
     Ang nabanggit na pamamaslang ay tulad din ng nangyari noong Enero sa syudad ng Juarez, sa Mexico pa rin. Nagdaraos ng party ang mga kabataan, na karamiha’y mga estudyante sa hayskul at sa kolehiyo, nang bigla na lamang silang ratratin ng mga di kilalang tao. Pati mga tumatakas ay di rin pinatawad. Nang humupa ang putok, naiwang naliligo sa dugo ang may 16 na patay at iba pang sugatan.
     Ang pagputok na ito ng karahasan sa Mexico ay nagsimula noong 2006 nang simulan ni Presidente Felipe Calderon ang pagwasak sa mga kartel ng iligal na narkotiko. Pero ang karahasang nangyayari sa Mexico sanhi sa droga ay tulad din ng mga karanasan at nangyayari pa nga, sa Bolivia, Columbia o Peru.
     Sinasabi na kahit pa nagpakalat ng may 50,000 sundalong armado ng malalakas na armas, patuloy pa rin ang mga karahasan. Mula nga umano noong 2006, ayon sa sumingaw na datus mula sa pamahalaan, nasa 25,000 na ang namamatay sa digmaang ito. Pero marami pa ring walang trabahong kabataang Mehikano na handang pumalit at magpatuloy sa mga karahasang nabanggit.
     Nakatutok ang paningin ng lahat sa Ciudad Juarez, ang sinasabing homecide capital sa buong daigdig. Dito ang ground zero kung baga, na kung saan nagaganap ang mga karahasan.
     May apat na tulay at kung ilang tunnel at mga kanal na nagdudugsong sa Lungsod ng Juarez at El Paso, Texas. Nagpapatayan ang magkakaribal na mga drug mafia para kontrolin ang alinman sa mga rotang ito na kung tawagin nila’y “plaza.” Dito ipinupuslit ang mga iligal na droga. At kasama na nga, syempre, sa karahasan ang mga tropa ng pulisya ng dalawang bansa na sumusugpo sa paglaganap ng mga mga iligal na droga.
    Nakakapangilabot ang mga patayang ito sa Mexico. Tulad din sa Pilipinas, may mga Mehikanong walang habas sa pagpaslang sa kapwa nilang walang kalaban-laban. Pero kahit saang panig yata sa mundo, kakambal na ng kahirapan ang iligal na droga at karahasan.

*****************************************************************************

Ang Buwan ng Agosto


     Bago ang lahat, sulyapan natin pansumandali ang ating kalendaryo, partikular na ang buwan ng Agosto ngayong taong 2010.
     Mapapansin na mayroon itong limang araw ng Lunes (5 Mondays), limang araw ng Martes (5 Tuesdays) at limang araw ng Linggo (5 Sundays). Nakapaloob ang lahat ng ito sa buwang ito ng Agosto, 2010. Ayon sa mga mapanuring dalubhasa, nagaganap ito, minsan sa loob ng walong daan, dalampu’t tatlong taon (823yrs).
     Ngayon, tunghayan natin ang gamit nating kalendaryo at suriin ang ibang buwan kumpara sa Agosto. Tama ga, mga Pare?
     Bagaman hindi ito ang ating paksa, nais ko lamang ibahagi ito bilang pangkiliti sa ating diwa o kaisipan. Talos ko namang hindi mahalaga ito para sa karamihan sa atin.
     Kaya’t dumako na tayo sa pinakabuod ng ating paksa. Ito ay hinggil sa makasay-sayang kaganapan na nakapaloob sa buwan ng Agosto na bahagi na sa kasaysayan ng ating bansa at marahil ng buong mundo.
     Dahil dito, malaya kong pinili para sa pitak natin ang ilang pangyayari ngayong buwan na ito, na sa aking palagay ay dapat na tumimo sa ating kamalayan at mga puso. Ito’y upang mapaglimi natin at bigyang pagpapahalaga ang katuturan nito sa ating buhay at sa buong bansa.
     Bagaman hindi katanggap-tanggap sa pananaw ng ilang sektor at kababayan natin ang iba rito (lalo na sa parteng Norte ng ating bansa), hayaan na lamang natin na ang kasaysayan ang humatol sa kahalagahan nito.
     Unahin muna natin ang pag-gunita sa unang anibersaryo ng pagyao ni dating Pangulo Cory Aquino noong Agosto 1, 2009. Matatandaan na sa kanyang pagpanaw, saksi ang buong mundo sa pagdadalamhati ng mga Pilipino. Tila nakidalamhati rin ang kalangitan sa pag-ulan nito nang mga araw na yaon.
     Mula sa burol ni Tita Cory (bansag ng mga nagmamahal sa kanya) na nakalagak sa De La Salle Greenhills, patungo sa Manila Cathedral kung saan gaganapin ang pamisa at homily para sa kanya hanggang sa paghahatid ng kayang labi sa huling hantungan niya sa Loyola Memorial Park sa Parañaque City, walang patid ang hugos ng mga ordinaryong taong nagmamahal sa kanya kahit masilayan man lang ang kanyang karosa sa huling sandali anuman ang lagay ng panahon.
     Kahanga-hanga naman ang ipinamalas na pakikiramay ng apat na matitikas na sundalo ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas habang mala-estatwa silang nagbabantay sa kabaong na batbat ng bulaklak na dilaw sa ibabaw ng karosa.
     Patunay ang mga ito hindi lamang ng pakikiramay at pagdadalamhati ng sambayanang Pilipino, kundi bilang pagpupugay at pasasalamat kay Tita Cory sa pagkakabalik ng demokrasya sa bansa mula sa diktaduryang rehimen ni Marcos.
     Dahil dito itinuring siyang Ina ng Demokrasya hindi lamang dito sa ating bansa kundi ng buong mundo. Walang pasubali, ang alaala ni Tita Cory na naka-ukit na sa puso’t kamalayan ng sambayanang Pilipino ang naging daan upang mahalal na pangulo ang kaisa-isang anak na lalaki niya na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at kilala ngayon bilang P-Noy.
     Sa madaling sabi, ipinagkatiwala ng nakararaming Pilipino ang matuwid na pamamahala na sinimulan ng kanyang inang si Cory Aquino at binuwisan muna ng buhay ng amang si Ninoy Aquino sa kanilang anak na si Noynoy. Dahil din kaya ito sa matandang kasabihan nating mga Pilipino na, “kung ano ang puno ay siya ring bunga?”
    Maraming salamat muli sa iyo, Tita Cory. Mananatiling buhay ang iyong alaala sa amin at sa lahat na dako ng mundo na may Pilipino. Tulad ng tinuran mo, ikinararangal namin ang maging Pilipino.
    Isa pang mahalagang pagdiriwang na nakapaloob sa buwan ng Agosto dito sa ating bansa ay ang “Pambansang Buwan ng Wika” batay sa Proklamasyon Blg. 104 ng dating Pangulo Fidel V. Ramos.
     Dati itong ipinagdiriwang bilang “Linggo ng Wika” mula Agosto 13 hanggang Agosto 19, kapanganakan ng “Ama ng Wikang Pambansa” na si Manuel L. Quezon
     (Aug. 19, 1878-1944) sa bisa ng Proklamasyon Blg. 19 ni Pangulong Corazon C Aquino matapos ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986. Layon nitong pagdiriwang ay gamitin, mahalin at pagyamanin ang sariling wika.
    Sabi nga ni Jose P. Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika, ay higit pa sa hayop at malansang isda.”
     Pero, may puna ang iba. Bakit daw isinulat ng ating pambansang bayani ang kanyang mga obra (Noli Me Tangere at El Filibusterismo), sa wikang Kastila?
    Kahalintulad din sa kasalukuyang lagay ng ating bansa. Kailangan daw na mahasa ang Pinoy sa tinaguriang “borderless language” na Ingles. Dahil gamit daw ito ng buong daigdig. “Globalization, anyone?” Say mo, jejemon?
    Ayon ito sa mga nagdaang pinuno ng DepEd. May punto sila diyan, dahil karamihan sa nakalaang trabaho para sa ating mga “graduates” ay mga “call centers” at para rin sa “export labor” (OFWs) ng bansa. Anong masasabi ninyo rito mga bagong halal at pinunong bayan?
    Nakapaloob din sa buwang ito ang makasaysayang alaala subalit malagim na pangyayari na bumulaga sa buong mundo. Ito ay ang paggamit ng sandatang nukleyar - ang bomba atomika na ibinagsak sa Hiroshima (Aug. 6, 1045) at Nagasaki (Aug. 12, 1945) sa bansang Hapon ng kalabang bansang Estados Unidos. Kahindik-hindik at malawak ang pinsalang idinulot nito sa mamamayang Hapones. Pero, “baby” lamang ang bombang ito na sumampol sa Hapon kung ikukumpara natin sa nakaimbak sa arsenal ng mga bansang nagtataglay nito (U.S., U.K., Rusya, Francia, PROC, at possible rin ang Hilagang Korea).
     Sa kasalukuyan, isang “Memorial Shrine” sa siyudad ng Hiroshima ang nakatayo bilang paggunita sa mga nasawi rito. Dinarayo ito taon-taon, hindi lamang ng mga Hapones, kundi ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang bansa upang manalangin para sa kapayapaan ng buong mundo at upang hindi na maulit ang ganitong malagim at masaklap na karanasan ng mamamayang Hapon sa dalawang lungsod na nabanggit.
     Isa pang kaganapan sa makasaysayang buwan ng Agosto dito sa ating bansa ay ang pagdiriwang ng “Araw ng mga Pambansang Bayani” tuwing huling araw ng linggo ng buwan. Batay ito sa Act No. 3827 na isinabatas ng Philippine Legislature noong Oktubre 28, 1931 pa. Gayon pa man, ito’y bilang pag-alala at pagpupugay sa lahat ng mga bayaning Pilipino na lumaban at nagtanggol para sa kalayaan o kasarinlan ng bansa.
     Sa kasaysayan ng Pilipinas, nangunguna sa talaan ng ating mga bayani ay sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Gabriela Silang, Melchora Aquino (Tandang Sora), Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar at marami pang iba. Kabilang din dito ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao tulad ni Sultan Dipatuan Kudarat. Hindi na kailangan banggitin pa ang mga Katipuneros at sundalong nalugmok sa ngalan ng pagtatanggol sa kalayaan na ang iba ay nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani.
     Kaya’t gayon na lamang ang pagpupumilit ng dating unang ginang na malibing ang bangkay ng kanyang asawang nakahimlay sa isang tila “de-refrigerator” na mausoleo upang malibing sa Libingan ng mga Bayani at tanghaling kabilang sa mga bayani ng Pilipinas?
    Mahalagang gunitain silang mga mga bayani natin, hindi lamang upang magbigay pugay sa kanila, bagkus ay magsilbi silang inspirasyon sa atin lalong-lalo na sa karamihang kabataan sa kasalukuyan na tila nakalimutan na ang pinakamahalagang handog nila sa atin – ang kalayaan.
    Sa bahaging ito, higit na na huwag nating kalimutan sa buwang ito na gunitain ang alaala ni Ninoy Aquino na naghandog ng kanyang buhay (pataksil na pinaslang noong ika-21 ng Agosto habang pababa ng eroplano) sa ilalim ng diktaduryang rehimen ni Marcos. Dahil dito, sumambulat ang ngitngit ng sambayanang Pilipino sa panawagang, “Ninoy, hindi ka nag-iisa!”
    Ang mga sumunod pang mga pangyayari kung saan tampok ang butihin niyang maybahay na si Cory Aquino upang ipagpatuloy ang laban ng sambayanan sa diktador, ay bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas sa pagtahak natin sa landas na matuwid tungo sa tunay na diwa ng demokrasya.
    Ang malungkot, hindi pa naparusahan ang tunay na utak o mga utak sa likod nitong kasuklam-suklam at patraydor na pagpaslang kay Ninoy. Bagaman sa kalooban ng sambayanang Pilipinong nagmamahal sa kalayaan, batid nila kung sino ang mga demonyong may gawa nito.
    Bilang pagwawakas, alalahanin natin lagi ang tinuran ni Ninoy bago siya nagbalik sa Pilipinas ang ganito: “The Filipino is worth dying for.”

*******************************************************************************




The game called politics
     I have always been opinionated, a trait that makes people say I’m a full-blooded Batanguena, an asset in my profession, which I also found useful in life. Maybe because I’m a lawyer or maybe because it is just in my personality. For the past three years, I have been a co-anchor of a local radio program at 95.1 KISS FM, in a relay station in Batangas City.

    But since the election campaign season, I don’t have to go to Batangas City anymore, and writing this weekly column is a better alternative in expressing my views and opinions.
     Yes, our dear readers, I was a Board Member of the third district of Batangas, who ran for Congress last elections, but unfortunately lost. Even before I could even reflect on the reasons why, people have been asking me why I lost, how did that happen, or what really happened.
     To be honest about it, I also have the same questions. That time, I knew that I have been consistently topping the surveys, despite the black propaganda of my political opponents and mudslinging thrown up at me. Up to the latest surveys a few days before May 10, 2010, the survey results were consistent. I have organized my campaign well and have done everything by the book. But now, I know.
     It is actually a game, and the name of the game is POLITICS. But beware, it is not a game fit for everybody. It is a game for the BIG BOYS, ika nga, tipong bang pang Games of the Generals. And this game called politics, unbelievable as it may seem, is the kind of game played with stakes so high that the only thing you can do to win is to be master of the game.
     Being a lawyer for more than twenty years, I thought I was ready for this kind of game. But I was wrong. I may be matured in life, age, or even in my profession, but not in politics.
    In this kind of game, I was just as naïve as most of us are. Well, the consolation is, it was a learning experience, though quite an expensive and exhaustive one! It was also a humbling experience for me.
     But what is most important, aside from the learning part, is not to repeat the same mistake twice! Does this mean, I’m quitting politics for life? Or am I just going to play it differently? Wait and see.

*********************************************************************************

Mga aliens, jan na kami!

     Nabasa namin sa bagong isyu ng Reader’s Digest (English Language Asian Edition) ang tungkol sa pagpapasiniya ng bilyunaryong British na si Sir Richard Branson sa kauna-unahang spacecraft na komersial nitong huling bahagi ng 2009. Ang sasakyang panghimpapawid ay tinawag na Virgin Galactic’s Spaceship Two (SS2).
     Ang nasabing sasakyan ay magsisimulang mamasahero sa pagitan ng 2011 at 2012. Medyo nahuli yata. Dati, sabi’y huling bahagi ng 2009 maguumpisa, pero ngayon, sa isang taon pa pala. Gayunman, sinasabing may 300 katao mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang nagpareserba na para sa dalwa’t kalahating oras na paglalakbay sa kalawakan na ang halaga ng pamasahe ng bawa’t isa ay nasa $200,000.
     Ito ang space tourism, ang bagong frontier ng negosyo na para sa mayayaman lamang.
     Ayon sa balita, nangunguna sa paghahanda ang Virgin Galactic na pinamumunuan ni Branson. Sakay ang anim na milyunaryong pasahero, ang raketsip ay bubulusok patungo sa kalawakan at mararanasan nila na makawala sa gravity ng mundo sa loob ng ilang sandali. Mula sa kalawakan, mapapagmasdan nila ang ating planeta at iba pang mga tala.
    Ang halaga ng pamasahe ng bawat isa sa dalwang oras at kalahating paglalakbay ay maaring makapagpakain na sa maraming nagugutom na tao sa daigdig. Marami na rin itong maipapagamot na may sakit na namamatay na hindi man lamang nabibigyan ng kaukulang lunas-medikal. Pero ganito ang buhay sa planetang ito sa kasalukuyan.
     Alam n’yo, ayon sa mga pag-aaral, may 8 milyong milyunaryo sa buong mundo na kayang gumastos ng ganitong halaga sa ganitong tipo ng pamamasyal at karanasan.
     Tinatayang sa loob ng unang 10 taon, may 50,000 sibilyan ang maipapadala ng Virgin Galactic sa kalawakan kahit ganitong kamahal ang halaga ng pamasahe. Sa ngayon nga, ubos na raw ang tiket para sa unang grupo ng 100 pasahero at ang iba’y nakareserba na.
     Kung tutuusin, ang pagbyaheng ito ng mga sibilyan patungo sa kalawakan ay isang joy ride lamang. Ang spaceship – na sa kasalukuyan ay ginagawa sa isang hangar sa Mojave Desert sa California – ay nakakabit na ililipad ng isang mamahaling turbojet sa taas na 15,240 m sa tuling 5,633 km/h hanggang sa ito’y imaniobra ng dalwang piloto na nasa spaceship upang humiwalay at bumulusok sa kalawakan sa taas pang 129 km.
     Ito’y nasa labas ng atmospera ng planetang ito at doon ay pwede nilang alisin ang kanilang mga seat belts para walang timbang na magpalutang-lutang sa loob ng spaceship at pagmasdan ang mundo mula sa kanilang kinatatayuan.
     Ang pagbabalik sa atmospera ng daigdig ay tulad lamang ng pagsakay sa roller coaster, pero sa pagbaba, ang sasakyan ay matatransporma tulad ng isang glider at matining at maayos itong lalanding pabalik sa kanyang runway.
     Sa totoo lang, kung naihanda na ni Branson ang lahat, ang kanya namang mga kakumpitensya ay abala rin upang makipagsabayan sa kanya. Nariyan ang nagtatag ng Amazon na si Jeff Bezos na katitesting lamang sa West Texas ng kanyang spaceship para sa personal na paglalakbay sa kalawakan. Sa Dallas, Texas, naman, nagtitesting din ng kanyang pambyaheng spaceship na maaring lumunsad sa buwan si John Carmack.
     Si Jim Benson, pundador ng Compusearch, ay lumilikha ng mga space taxi. Si Robert Bigelow naman, pundador ng Budget Suites of America, ay merong ng maliit ng space station-hotel na kasalukuyang lulutang-lutang sa kalawakan. Meron na ring tindahan ng mga space suits na dapat isuot ng mga sibilyang maglalakbay patungo kung saan sa kalawakan.
     Hindi lamang iyan. Sa kasalukuyan ay ilan ng spaceport, hindi airport, ang itinatayo sa iba’t ibang panig ng daigdig.
     Totoo ito, hindi science fiction. Makikkita na ang mga turistang earthlings sa kalawakan.

**********************************************************************************

Usad-pagong


     Ang Batas Republika Blg. 6657 o ang Batas sa Pinakamalawak na Repormang Agraryo (Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998) ay ipinasa ng Kongreso, nilagdaan bilang batas noong ika-10 ng Hunyo,1988 at naging epektibo ika-15 ng Hunyo ng taon ding yaon. Pero bilang tradisyon, ang pagdiriwang ng anibersaryo nito ay ginaganap sa huling nabanggit na petsa.
     Ngunit ito ang tanong mula sa isang nagmamalasakit, mula sa isang miyembro ng NGO na tumutulong at sumusubaybay sa pagpapatupad nito: Bakit ipagdiriwang? May maganda ba at mabuting dahilan para magdiwang?
     Ang sumusunod pa na tanong: “Umunlad ba ang buhay ng mga magsasaka? Kung maunlad, ilang bahagdan sila sa kabuuan? Ilang bahagdan din ng tinatayang10.3 milyong hektaryang lupain ang napasakamay ng mga karapat-dapat at tunay na magsasaka?”
     Hindi naman marahil kalabisan na ihayag na muli sa madla ang CARP sa isang Katarungang Panlipunang Programa kung saan ito’y ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas (1935 Constitution, 1973 Constitution and 1987 Constitution XII, XII and XIII).
     Samakatuwid, katarungan ang nakapaloob dito na hinihingi ng mga magsasaka o tagapaglinang ng lupaing magdudulot ng biyaya para sa kapakinabangan ng mga pamayanan.
     Subali’t tila mailap ang katarungan para sa mga mahihirap na magsasaka samantalang sila ang nagpapakain sa atin sa pamamagitan ng kanilang ani bunga ng kasipagan nila ng pagtatanim.
     Bukod sa mailap, usad pagong man din ang kilos nito.
     Kung bakit? Ang makasasagot niyan marahil ay ang hukuman natin at ang magigilas at makikisig na “abogado de kampanilya” na namamayagpag sa loob ng banal (?) na bulwagan nito.
    Talos ng sambayanan kung gaano kabagal ang gulong ng hustisya sa ating bansa.
     Ganito ang winika ni Pangulong Manuel Roxas noong nabubuhay pa hinggil sa katarungan: “Ang katarungang inantala ay katarungang ipinagkaila.” (isinalin)
     Dahil sa ganitong katayuan ng katarungang panlipunan sa ating bansa, kung kaya’t hindi maiwasan ang pamamahayag sa paghingi nito mula sa mga naghaharing uri sa ating lipunan. Ang tanong, bakit nga ba tila walang pag-unlad ang nakararami at hikahos na mamamayan hanggang sa kasalukuyan? Malaon nang pumalaot sa ating lipunan ang ganitong katanungan subalit tila wala pa ring makuhang wastong katunugan ang madla.
     Bakit nga ba?
     Maraming kadahilanan ang maaaring matukoy natin kung magmamasid at magiging mapanuri lamang ang bawat isa sa atin sa ating ginagalawang lipunan. Karaniwang inginunguso ay ang talamak na korapsyon sa pamahalaan at maging sa lipunan.
     Isa pang dahilan ay ang kakulangan sa pag-unawa at pagsuporta sa kahalagahan ng programang agraryo.
     Malungkot mang isipin, nariyan din ang problema sa mismong tagapagpatupad nito sa Kagawaran ng Repormang Agraryo, kung saan mayroon ding matatagpuang tiwaling opisyal tulad sa ibang kagawaran ng pamahalaan. Karamihan sa kanila ay tapos ng abogasya at higit na nakakabatid sa likaw ng batas agraryo. Nariyan din ang hungkag na pagsuporta ng Kongreso sa mga magsasakang humihingi ng katarungan.
    Ang kaso lang sa ating lipunan, ang katarungan ay inihahalintulad o ipinagkakamali sa kawanggawa. Para sa iilang naghaharing uri ( panginoong may lupa at mga kapitalista), ang maging pilantropo at mapagkawanggawa nila ay katarungan nang maituturing. Isang mentalidad na pinalaganap at pinaiiral, nang sa gayon ay maibsan ang dalahing konsiyensya ng kawalang katarungan sa kanyang kapaligiran. Katwiran pa, “Ako ba ang tagakupkop ng aking kapatid? (Cain).”
     Subalit, hindi ang mga ito ang tunay na dahilan kung bakit mabagal na tila pagong ang usad ng programa. Kumbaga, mga sanga lamang itong ating nakikita, na kung saan, nangabitin ang mapapait na bunga nito. Walang pasubali, may higit na malalim pang dahilan, kung kaya’t sa bahaging ito tatangkain ng pitak natin na hukayin ang pinaka-ugat nito. Bakit nga kaya?
     Sa puntong ito, tunghayan muli natin ang kasaysayan ng ating daigdig kahit na pahapyaw o sulyap man lamang. Sapagkat dito natin sisimulan ang paghukay sa magiging tugon sa ating katanungan. Hindi kailangang idetalye ang tinatayang pitong libong taon simula nang matutong gumuhit o umukit ang sangkatauhan sa gilid ng yungib na naging tahanan na nila bilang unang tala ng kasaysayan.
     Sa madaling sabi, nang unang sumulpot ang sangkatauhan sa ating mundo, simple at payak ang pamumuhay ng mga tao – ang mangaso at manguha ng anumang makakain sa paligid.
     Dahil mapanganib ang kapaligiran at naglipana ang iba’t-ibang malalaki at mababangis na hayop sa kapaligiran kung kaya’t sama-sama sila kung mangaso. Ambag ng bawat isa ang kani-kanilang kapasidad (taglay na lakas ng katawan at talas ng pakiramdam at isip).
     Sama-sama rin silang makikinabang anuman ang mga biyayang makukuha mula sa pangangaso. Kooperasyon ang tawag dito ng buong mundo sa kasalukuyan. (Pero sa kulturang Pinoy ang tawag natin dito ay bayahihan.
     Banyaga pa noon sa kanila ang pagmamay-ari ng anumang likha ng kalikasan. Wala pang nagsabi na: “akin ang kagubatan o kabundukang iyan,” kung saan namamahay ang mga kahayupan na nagsisilbing pagkain nila.
    Sa pag-inog pa ng mundo, dumating ang panahon at dala na rin marahil ng pangangailangan, naging mapagmasid at mapanuri ang tao sa nagaganap sa kanyang kapaligiran. Mula sa likas na pandamdam ng tao, natutunan niyang kumain ng bunga ng iba’t-ibang puno at halaman.
     Natuklasan din marahil niya na ang buto nito ay puwedeng tumubo, bukod pa sa ang mga supling ng mababangis na hayop na maari din alagaan at palakihin upang din a sila mangaso kung saan-saang kasukalan sa paligid.
    Ano ang ibig sabihin nito? Anong kaugnayan nito sa ating paksa?
     Simula ito ng isang malaking pagbabago sa kasaysayan ng sangkatauhan. Kumbaga isang makasaysayang igpaw ng antas sa relasyon at uri ng pamumuhay ng mga tao ang ibig sabihin nito. Sa madaling sabi, isa itong pagbabago.
     Kaakibat nito, ay ang gawaing pagbabakod ng mga pananim. Gayundin sa pagkulong ng mga alagang pinaamong mga hayop.
     Dahil dito mahihinuha na natin kung paano nagsimula ang pananatili ng mga tao (pamilya, angkan, tribo etc.) sa isang lugal o pook. “Settlement” ang katawagan nito sa larangan ng Panlipunang Siyensya.
     Samakatuwid, ang konsepto ng pag-aari ay masasabing sumulpot nang magsimulang magbakod ang isang tao at manatili sa isang pook.
     Ang pagkakaroon ng lupaing lilinangin at pagtatamnan gayundin ng hayupang alagain ay nagbigay ng kalamangan sa isang pamilya, angkan o tribo sa ibang tao na wala nito. May “surplus” na o labis sa pangunahing pangangailangan ng tao.
     Kailangan pa bang ihayag natin na ito rin ang simula ng paninilbihan ng isang tao sa isang panginoong may lupa at ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng huli sa una? Isang sistemang panlipunan na may uri – mga alipin at naghaharing-uri?
     Talos na natin kung ano pa ang mga sumunod na pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Magkagayon man, mahalagang tunghayan nating muli ang isang mahalagang bahagi nito bilang paalala sa atin na namumuhay sa kasalukuyang sistema.
     Ito ay ang hinggil sa Exodus, (Chapter 3) ng Lumang Tipan, kung saan nakatala ang pagpapalaya mula sa matagal na pagkakaalipin ng mga Hudyo sa kamay ng makapangyarihang Paraon ng Ehipto sa pamamagitan ni Moses bilang sugo ng Dakilang Panginoon, tungo sa lupang ipinangako ng nag-iisa at totoong Panginoon ng buong sanlibutan upang manirahan ng malaya at patas na makinabang sa biyaya Niya bilang magkakapatid at anak ng Diyos, gabay ang Sampung Utos na ibinigay Niya kay Moses. Amen!
     Kailangan pa bang ihayag natin dito na hindi katanggap-tanggap sa Dakilang Maylikha ng kalikasan na may alipin at mang-aalipin sa Kanyang mga nilikha, gayon din ang ariin ng isang tao na parang kanya lamang ang mga biyayang handog Niya sa sangkatauhan mula sa kalikasan (lupain, kabundukan, lawa, ilog, karagatan at iba pa)?
     Tanggapin man natin sa hindi, tutol ang karamihan sa atin, kung hindi man ang lahat, sa ganitong pananaw ng Panginoon. Suriin natin kung ano ang kinapapalooban natin sa sistemang pang-ekonomiya ng mundo sa pangkalahatan, at ng ating bansa sa partikular, nang sa gayon mahukay natin ang sagot kung bakit nabago ang pananaw ng mga tao.
     Isa pang makasaysayang igpaw sa pang-ekonomiyang relasyon ang naganap sa mundo na ikinabago ng pamumuhay ng mga tao.
     Ito ay nang maputol ang pamamayani ng monarkiya (piyudalismo) sa pamamagitan ng pag-aaklas ng mga mamamayan nito kung saan lumaya sa malaon nang pagkakatali sa lupa ang mga alipin ng isang kaharian o aristokrata (mga dugong bughaw daw).
     Bunga nito, malaya na ang mga tao sa paniniil ng kaharian at magkaroon ng sariling desisyon ukol sa kanilang pamumuhay. Sa madaling salita, hindi na sila alipin bagkus ay mamamayan nang maituturing bagama’t namumuwisan pa rin sa bagong pamahalaan na tinaguriang Republika.
     Kaakibat nito ang pagsulpot din ng dalawang uri sa lipunan – ang uring manggagawa na kumawala sa pagkakatali sa lupa at mga pesante (magsasaka) na nananatili sa pagsasaka at ang uring namumuhunan o kapitalista sa kabilang banda (nagmamay-ari ng malalaking lupain at pagawaan o pabrika na nagpoproseso ng ani mula sa lupa o ano pa mang biyaya mula sa kalikasan). Itong huli, ang masasabing humalili sa dating mga aristokrata noong panahon ng kaharian. Dahil sila ang may control sa yaman ng kalikasan at masalapi, kung kaya’t sila rin ang may kapangyarihang pulitikal.
     Mula sa uring ito (burgesya) ang mga nagsulputang batas na hindi man dapat sabihin pa ay kiling para sa kanilang kapakanan at pananatili ng sistemang pinaiiral nila upang matiyak ang pananatili nila sa kapangyarihan at katiwasayan para sa kanilang hanay.
     Bukod pa rito, nariyan din ang pagmamanipula sa kaisipan ng mamamayan sa kagalingan ng sistemang pinaiiral sa pamamagitan ng media (TV, radio, pahayagan, teatro, etc.), paaralan, simbahan, at siyempre pa ang pamahalaang bayan na kontrolado nila. Huwag nang banggitin pa ang puwersa ng panunupil o sandatahang lakas na busog na busog sa alaga nila upang matiyak ang katiwasayan daw ng pamayanan.
     Kahit salat sa katarungan at pangunahing pangangailangan ang nakararaming mamamayan (edukasyon, pangkalusugan, tahanan, hanapbuhay, sakahan, atpb.) sa kabilang panig. Malaya naman daw kasing mamahayag ang mga tao basta’t mapayapang paraan lamang (‘di ga’t ginagawa naman ng mga magsasaka ito?). Pero, bakit usad pagong pa rin ang katarungang hinihingi nila at ng iba pang sektor ng mahihirap?
     Kaya’t mahihinuha na natin kung anong uri ng kamalayan (pananaw) ang mamamayani sa lipunan sa pangkalahatan. Unang-una na rito at ito ang pinakahayag ay hinggil sa papel na ginagampanan ng pagmamay-ari (lupa at iba pang yaman mula sa kalikasan) at ang sukdulang paniniwala ng sistemang umiiral na nasa pagkamal ng yaman at iba pang pag-aari na matatamo lamang ng isang tao ang kanyang tagumpay at adhikain sa buhay.
     Bunga nito, ang malaking bahagi ng kanyang panahon at lakas ay iniuukol sa katuparan ng dakilang pangarap na nabanggit kahit ano pa ang idulot na kalidad nitong pamumuhay ng isang tao, pamayanan at maging sa kapaligiran o kalikasan.
     Gayunpaman, hindi maipagkakaila nino man kung gaano kasagrado ang pagpapahalaga na pinairal ng naghaharing uri (oligarkiya) sa kanilang mga pag-aari. Batid nila na hindi lang naman sila ang may sariling likha bagkus sa tulong pa rin ng kanilang manggagawa sa lupa o pabrika. ‘Yun nga lang, may hawak silang papel (batas daw ngunit hindi ng Diyos).
     Kung ihahalintulad ang pananaw na ganito sa sinasambang gintong baka na hinulma ng mga Hudyong nainip sa pagbabalik ni Moses mula sa bundok Sinai bitbit ang Sampung Utos ng Diyos, masasabing iniidolo ng kasalukuyang lipunan ang mga bagay na nagpupuno ng yaman sa kanilang kaban.
     Napakabanal at napakahalaga na katumbas na ng buhay nila sukdang ipaglaban nila ito hanggan kamatayan (tungo saan: kalangitan o kadiliman?), huwag lang ibahagi ito sa nangangailangan tulad ng mga magsasakang walang lupain at mga manggagawang mababa ang pasahod.
     Kaya’t nakakakilabot ang konseptong “profit-sharing” para sa mga tinaguriang “taipan” sa ating lipunan. Sa madaling sabi, usad-pagong hindi lamang para sa mga magsasaka ng bansa ang bunga nito kundi maging sa pag-unlad ng buong bansa. Hangga’t ganito ang pananaw o ideolohiyang tinatangkilik ng mga naghaharing-uri at ng ating lipunan sa kabuuan, mananatili tayong usad pagong ang gapang upang makamit ang katarungan sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
     Hindi na kailangan pang maglahad pa tayo ng mga halimbawa kung paano ang mga pamamaraan ng pagkundisyon sa lipunan upang tanggapin at panatilihin ang ganitong kamalayan sa ating mga utak o isipan.
     Sa puntong ito, walang pangamba nating masasabi na walang tao sa loon ng lipunang kapitalistang ideolohiya (o ano pa mang ideolohiyang namamayani) ang namumuhay na hindi malalimang maiimpluwensiyahan nito. “Kung sino ang may hawak sa ginto, ang maghahari at makapangyayari,” isang matandang kasabihan. Pagtatakhan pa ba natin kung bakit halos lahat na aspeto ng buhay natin ay kontrolado ng pananaw-burgis?
     Sa ibang salita, utak-kapitalista (tubo, tubo at tubo pa) maging anu man ang dulot nitong pinsala sa kalikasan at kalidad sa buhay ng tao.
     Bilang pagtatapos, alalahanin ang isinaad sa Banal na Aklat: “You can not serve God and Mammon,” (Matthew, 6v24).